Sinira ng Oklahoma City Thunder ang pagbabalik ni Russell Westbrook sa Chesapeake Energy Arena makaraang ilista ang 113-92 pagdomina kontra sa Houston Rockets.
Maaalalang naging NBA MVP at two-time scoring champ si Westbrook para sa Thunder bago magtawid-bakod sa Roctes nitong nakalipas na summer kapalit ni Chris Paul at mga draft picks.
Bago ang laro, nagbigay-pugay ang buong Oklahoma City kay Westbrook sa pamamagitan ng tribute video, at hiyawan ng mga fans nang ito ay ipakilala.
Ibunuhos ni Westbrook ang 18 sa kanyang kabuuang 34 points sa first half, ngunit hindi ito naging sapat dahil abanse ang Thunder 60-48 sa break matapos magtala ng 53.8% shooting mula sa field.
Napalawig pa ng Thunder ang kanilang kalamangan sa second half, upang hindi na lingunin pa ang Houston.
Namayani sa Thunder si Danilo Gallinari na pumoste ng 23 points at 11 rebounds, maging si Shai Gilgeous-Alexander na nagdagdag ng 20 points.
Habang inalat naman si James Harden sa natipon nitong 17 points mula sa kanyang 5-for-17 shooting.
Sa araw ng Linggo, magtutuos ang Rockets at ang Minnesota, samantalang tatapatan ng Thunder ang Los Angeles Lakers.