Bumangon mula sa 15-point deficit ang Oklahoma City Thunder upang biguin ang Houston Rockets, 117-114, at maitabla sa 2-2 ang kanilang first-round Western Conference playoff series.
Namayani para sa Thunder si Dennis Schroder na umiskor ng career playoff high na 30 points, na dinagdagan ni Chris Paul ng 26 at Shai Gilgeous-Alexander ng 18 points at 12 rebounds.
Naging susi rin ng Oklahoma ang depensa upang makaligtas sa 23 3-pointers na pinaulan ng Houston.
Sa panig ng Rockets, hindi nagbunga ang 32 points, 15 assists at eight rebounds na naitala ni James Harden.
Hindi naman ulit naglaro ang dating Thunder star na si Russell Westbrook para sa Houston dahil sa strain sa right quad.
Pinakawalan ng Houston ang una nilang walong 3-pointers upang simulan ang third quarter.
Tangan din ng Rockets ang 93-80 lead bago maghulog ng 12-0 bomba ang Oklahoma, na nasundan ng 3-pointer ni Schroder sa buzzer para ilapit ang Thunder sa 93-92 sa pagtatapos ng third quarter.
Pumukol ng tres si Harden sa nalalabing 16.3 segundo upang tapyasan ang abanse ng Oklahoma City sa 113-111, ngunit nagpasok ng dalawang free throws si Schroder sa huling 15.8 segundo para mapasakamay ng Thunder ang kontrol.