-- Advertisements --

Umahon mula sa pagkakasadlak sa 19-point deficit sa third quarter ang Oklahoma City Thunder upang maitakas ang 112-108 panalo kontra Sacramento Kings.

Namayani nang husto sa Oklahoma si Danilo Gallinari na pumoste ng 24 points, at inayudahan nina Shai Gilgeous-Alexander na umiskor ng 20, at ni Chris Paul 17.

Bunsod nito, naitala ng Thunder ang kanilang ikalimang sunod na panalo, at 14 sa 17 laro.

Sa panig ng Kings, inakay ni Harrison Barnes ang koponan tampok ang 21 points, at ni Harry Giles na naglista ng season-high na 19 markers.

Hindi naman naglaro ang No. 2 scorer ng Kings na si De’Aaron Fox dahil sa iniindang muscle tightness sa kanyang tiyan.

Abanse pa sa 61-50 ang Sacramento sa halftime, sa tulong ng ibinuhos na 15 points ni Giles, at 12 points ni Buddy Hield sa kanyang 4-for-4 shooting mula sa downtown.

Mabilis na napalawig ng Kings ang kanilang bentahe sa third period kung saan napaabot nila hanggang 78-59 ang kanilang lamang kontra Oklahoma.

Matapos nito ay nagpasabog ng 15-0 ang Thunder at hindi pinaiskor ang Sacramento sa loob ng halos anim na minuto, dahilan para kumipot ang agwat sa 82-81 sa pagtatapos ng third.

Lamang na sa 110-106 ang Thunder sa huling minuto at nasopla ang anumang pagtatangka ng Kings na makatakas.