Winakasan na rin ng Oklahoma City Thunder ang tatlong sunod-sunod na pagkatalo makaraang magwagi sa New Orleans Pelicans, 109-104.
Nanguna sa panalo ng Thunder si Russell Westbrook kung saan tumipon siya ng panibagong triple double performance na may 26 points, 15 rebounds at 13 assists.
Sa first quarter ay minalas si Westbrook pero sa pag-usad ay nagamay na niya ang laro hanggang sa fourth quarter kung saan ay tumipa pa siya ng 10 points at six rebounds.
Bago ang game, lumasap ang Oklahoma ng tatlong magkakasunod na pagkatalo, gayundin ang Pelicans.
Umeksena rin sa Oklahoma si Paul George na umalagwa ng 11 points sa second quarter pa lamang para tapusin ang laro sa 27 points.
Kapwa naman may tig-14 points sina Carmelo Anthony at Steven Adams.
Sa panig ng Pelicans nasayang ang ginawa ni Anthony Davis na nagpasok ng 25 points at 11 rebounds.
Sa ngayon ang Thunder (45-33) ay nasa ika-limang puwesto sa Western Conference.
Habang ang New Orleans (43-34) ay nasa ika-walo at abanse sa Denver at Los Angeles Clippers.
Sa Miyerkules magiging host ang Pelicans sa laban kontra Memphis.
Makikipagtuos naman ang Thunder sa defending champion na Golden State Warriors.