-- Advertisements --

Hawak na ng Oklahoma City Thunder ang 50 wins ngayong season matapos nitong pataubin ang Houston Rockets sa tulong ng 51-point performance ni Shai Gilgeous Alexander.

Ang Thunder ang unang team na kumamada ng 50 wins sa Western Conference, at pangalawang nakagawa nito ngayong season, sunod sa Cleveland Cavaliers.

Bagaman nagawa ng Rockets na makipagsabayan sa Thunder sa kabuuan ng laro, mistulang hindi makahanap ang mga ito ng kasagutan sa sunod-sunod na tira ni Alexander.

Nagawa kasi niyang ipasok ang 18 mula sa kabuuang 30 shots na kaniyang pinakawalan, habang lahat ng sampung free throw na iginawad sa kaniya ay pawang pumasok din.

Nasayang ang 27 points na ipinasok ni Rockets forward Cam Whitmore, kasama ang 25 points na ambag ni Reed Sheppard.

Dahil sa panalo, hawak na ng Thunder ang 50 – 11 win-loss record at nananatiling top team sa West.

Inaasahang makakapasok na rin ito sa playoff sa susunod na isa hanggang dalawang panalo, unang team din mula sa West na makakagawa nito.