Mas mainam umano kung si WBA “super” welterweight champion Keith Thurman ang sunod na makasagupa ni Sen. Manny Pacquiao.
Bukod kasi kay Thurman, una nang sinabi ng kampo ni Pacquiao na isa raw sa mga pinagpipilian ng Pinoy ring icon para sa kanyang next fight si dating world champion Danny Garcia.
Ang nasabing pahayag ay lumabas kasabay ng pananatili dito sa bansa ni Floyd Mayweather Jr., na nagsabing hindi raw ito interesado sa isang rematch kay Pacquiao.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Atty. Ed Tolentino, maganda raw na si Thurman ang sunod na makalaban ni Pacquiao kung nais nitong kilalanin bilang tanging WBA welterweight title-holder.
Paniwala rin ni Tolentino, bagama’t posibleng maging exciting ang laban ng dalawa, mas liyamado umano ang People’s Champ lalo na sa aspeto ng bilis.
Gayunman, pinayuhan ng analyst si Pacquiao na pag-isipan umanong maigi ang kanyang mga susunod na hakbang lalo pa’t nalalapit na itong magretiro sa boxing.
“I think the Thurman fight will be more exciting kasi si Thurman, puncher ‘yun eh. Medyo sumasabay ‘yun eh, pero mabagal kaya tingin ko may pag-asa si Pacquiao doon eh,” wika ni Tolentino.
“Pero para sa akin, pag-isipan muna ni Manny kasi 40-anyos na siya. Kasi kung si Pacquiao ay 30-anyos pa lamang, sige walang problema. Pero salat na sa panahon kaya kunin mo na lang ‘yung mga laban that will truly matter.”