LAS VEGAS – Hindi inaasahan ng Bombo Radyo at iba pang mga mamamahayag ang ipinakitang ugali ni WBA “Super” welterweight champion na si Keith “One Time” Thurman (29-0, 22KOs) sa kanyang pagdating sa MGM Grand Las Vegas.
Nasorpresa ang ilang international media dahil madali lang pala itong lapitan taliwas sa maraming impresyon na umano’y mayabang ito, magaspang at masakit magsalita.
Napansin na nakalaro ni Thurman ang apo ni dating Ilocos Norte governor at ngayon ay Mayor Chavit Singson na si John Singson sa MGM Casino na inabot pa ng madaling araw kahapon o alas-3:30 ng madaling araw.
Sinasabing nanalo pa ng more or less US$10,000.00 o halos P500,000 sa pagsusugal ang American champion.
Hindi inakala ng Team Pacquiao members tulad ni Romeo Faldas at Manny Ferrer na palakaibigan din pala si Thurman.
Aminado kasi ang ilang Pinoy na sa unang tingin nila ay masama ang ugali ng undefeated boxer.
Subalit tahimik lang daw pala ito, bukas makipagkaibigan at pagkatapos maglaro ay nagpaunlak pa na magpa-picture taking sa ilang mga boxing fans.
Kung maaalala marami ang umalma sa ginagawa nitong istilo na pang-aasar sa pambansang kamao na halos walang galang at minamaliit pa.
Isang dekada ang tanda ng WBA “Regular” champion Manny “Pacman” Pacquiao (61-7-2) at sa latest na pangangantiyaw ni Thurman, sinabihan nito ang fighting senator na mag-basketball na lamang kaysa mag-boxing.
“He doesn’t have much left. Go play basketball, Manny!” ani Thurman.
Ayon kay Thurman, mas mabuti na lamang daw na makipaglaro ng basketball kasama ang ng eight-division world champion.
“Go shoot hoops with the guys, man,” dagdag pa nito.
Sa edad umano ni Pacquiao, na nasa 40-anyos na ngayon, bilang na raw ang araw nito sa loob ng ring.
“I just believe the hourglass is almost finished,” sabi ni Thurman sa isang panayam sa Premier Boxing Champion Face to Face.
Asahang magpapatuloy pa ang pang-aasar ng mas batang boksingero kay Pacquiao tungo sa kanilang big fight sa Linggo (araw sa PH) sa MGM Grand Arena.
Samantala, bago nakarating sa Las Vegas ang buong Team Pacquiao ay hindi pa rin nagpapigil sa pag-ensayo si Manny sa Los Angeles.
Sa Las Vegas naman sandali lang itong nagsagawa ng training pagkadating.
Tinangka itong pagpahingahin muna sa pag-eensayo ngunit ayaw umano papigil ang Pinoy ring icon.
Sa kabilang banda hindi maiwasang maikumpara si Thurman kina Oscar dela Hoya at Antonio Margarito na nakalaban ni Pacman noon.
Ayon sa mga nakakita, kung tutuusin mas “nakakatakot” pa umano tignan ng personal sina Dela Hoya at Margarito.