-- Advertisements --

Binabalak umano ni WBA “super” welterweight champion Keith Thurman na maging agresibo sa sagupaan nila ni Sen. Manny Pacquiao ngayong buwan.

Sinabi ni Thurman, minsan lamang daw mabigyan ng pagkakataon na makaharap at mawasak ang isang boxing legend upang makagawa ng sarili nitong legasiya.

Mistulang nag-iba rin ang tono ni Thurman at inaming kahanga-hanga raw ang Fighting Senator na pinapatunayan ang kanyang kadakilaan kahit matanda na ito sa boxing sa kanyang edad na 40-anyos.

Ayon pa kay Thurman, napabilib at na-inspire daw ito sa performance ng Pinoy ring icon kontra kay Adrien Broner noong Enero.

Pero giit ni Thurman, sa oras na magharap na sila ni Pacquiao ay kanyang patutunayan ang pagiging “bad man” nito sa ibabaw ng ring.

“If Manny Pacquiao is the man that beats me, he’s the man that beats me. I’m going to shake his hand after the fight and congratulate him,” wika ni Thurman.

“It is what it is. But when Keith Thurman steps into the ring, you’re dealing with Keith Thurman. And he’s a bad man.”

Nitong mga nakaraan ay walang humpay ang naging mga pang-aasar ni Thurman kay Pacquiao kung saan plano raw nitong i-crucify ang future Hall of Famer.

Ngunit sa opinyon ng boxing expert na si Atty. Ed Tolentino, hindi pa raw dapat na magpakampante si Thurman na kaya niyang totohanin ang mga birada nito kay Pacquiao.

“In fact, sabi nga [ni Thurman na] ‘I will stand my ground,’ ‘I will crucify [Pacquiao],’ but that remains to be seen. But the thing is, he has power,” ani Tolentino.