-- Advertisements --

Nagpakawalang muli ng maaanghang na mga birada si undefeated American boxer Keith Thurman laban kay Sen. Manny Pacquiao ilang linggo bago ang nakatakda nilang paghaharap sa Las Vegas.

Ayon kay Thurman, hindi raw totoong welterweight boxer si Pacquiao at maituituring ding lipas na ang mga boksingerong kanyang nakalaban sa mga malalaking panalo nito sa dibisyon.

Paliwanag pa ni Thurman, hindi raw impresibo ang mga signature win ng Fighting Senator kontra sa mga gaya nina Oscar De La Hoya, Miguel Cotto, at Antonio Margarito dahil sa malapit nang magretiro ang mga ito nang pabagsakin sila ni Pacquiao.

Giit pa ng kasalukuyang WBA “super” welterweight champion, maliban sa mas bata at mas malakas ito kay Pacquiao, nasa tuktok pa rin daw siya ng kanyang career.

Una nang sinabi ni Pacquiao na kanya raw magiging motivation ang ginagawang trash talking ni Thurman upang magwagi sa kanilang sagupaan sa Hulyo 21.

Nangako rin si Pacquiao na ipapakain niya raw kay Thurman ang kanyang mga salita sa gabi ng kanilang pagtutuos.