Nagbabala ang American undefeated boxer na si Keith Thurman sa mga fans ni Senator Manny Pacquiao sa ipapakita niyang laban sa July 21 sa Las Vegas.
Ayon kay Thurman, ‘wag daw gawing basehan ang huli niyang laban noong buwan ng Enero kung saan naging pahirapan ang kanyang panalo kontra kay Josesito Lopez
Kung maaalala maging ang Hall of Famer trainer na si Freddie Roach ay kinantyawan ang malamya raw na huling tatlong laban ng 30-anyos na si Thurman.
Pero paliwanag ni Thurman, hindi raw ito ang pinakamagaling na Thurman na nakita ng mga fans.
Nagyabang na lamang ito na sa darating na showdown nila ni Pacman ay makikita raw ng buong mundo ang pinaka-the best na Thurman.
Sa naturang harapan nila ay doon daw niya tuluyang ipaparetiro ang fighting senator.
Samantala, time out muna si Pacquiao sa dibdibang training.
Sa halip ay ipinasyal niya ang kanyang pamilya sa Universal Studios sa Hollywood.
Una nang sinabi ng ilang miyembro ng Team Pacquiao na pinaghihinay hinay na nila ang eight division world champion dahil sa pangamba na baka ito ay ma-burn out.