Umabot na ng 700 million ang ticket sales ng sampung pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival ngayong taon.
Ibinunyag ni MMFF Chairman Atty. Don Artes na nalagpasan na nila ang kanilang target at patuloy pa itong tataas bago matapos ang MMFF sa January 7.
Ito na ang pinakamataas na ticket sales ng MMFF simula ng magkaroon ng pandemya.
Ayon din kay Artes ay kumita na ang halos lahat ng mga pelikulang kalahok kaya naman umaasa ito na susugod pa ang mga tao sa sinehan nang sa gayon ay mahigitan nito ang record nila noong 2018 na 1.061 billion pesos.
Nauna ng sinabi ng MMFF na hindi sila maglalabas ng ticket sales ng kada pelikula para hindi umano ito maging basehan ng mga tao sa papanoorin nilang pelikula.
Samantala, umapela naman si MMFF Best Director Pepe Diokno sa mga sinehan na huwag taasan ang ticket prices nito para mas maraming Pilipinong makapanood ng mga pelikula.
Ipinaliwanag naman ni Artes na naka-depende sa lugar ng sinehan ang presyo ng ticket nito. Aniya, mas mura ang presyo ng ticket sa mga sinehan sa probinsiya kumpara sa Metro Manila.
Ito na ang ika-49 na edisyon ng MMFF kaya naman naghahanda na ang pamunuan para sa pagdiriwang ng ika-50 nitong taon ngayong Disyembre.