Sa botong 79-18, pasado na sa Senado ng Estados Unidos ang panukalang i-ban ang Tiktok sa Amerika dahil sa pangambang magagamit umano ito ng China para magmatyag at makakuha ng impormasyon sa mga Amerikano.
Dahil dito, itinuturing ng mga mambabatas sa US na banta ang naturang social media app sa seguridad ng Estados Unidos.
Ilang beses ng nagpahayag ng suporta sa naturang panukala si US President Joe Biden at sinabing pipirmahan niya kaagad ito sa oras na dumating sa kaniyang opisina ang panukala para maging isang ganap na batas.
Nangangamba naman ang American Civil Liberties Union dahil maaari umano itong magdulot ng lubhang pag-control ng gobyerno sa social media platforms. Naaalarma din ang organisasyon na ang hakbang na ito ng US ay maging ehemplo sa ibang mga bansa para i-ban din ang foreign-owned online platforms.
Sa ilalim ng panukalang batas, inuutusan ang may-ari ng Tiktok na ByteDance na ibenta ang stake nito sa loob ng siyam na buwan. Sakaling hindi maibenta ay tuluyan ng iba-block ang online platform sa US.
Sa kasalukuyan, mayroong mahigit 170 million users ang Tiktok sa US.