-- Advertisements --

Kinumpirma ngayon ng Department of Justice (DoJ) na sumuko kahapon sa National Bureau of Investigation (NBI) ang may-ari ng TikTok account kung saan inupload ang video na nagbabantang papatayin si presidential aspirant Bongbong Marcos.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, boluntaryo umanong sumuko kahapon ang subject sa NBI.

Sa ngayon, hindi pa idinitalye ng NBI ang pagkakakilanlan ng subjetc para sa kanyang seguridad.

Inabisuhan na rin daw itong maghanap ng counsel na aalalay sa kanya habang patuloy na iniimbestigahan ang naturang isyu.

Una rito, sinabi ng tagapagsalita ni Marcos na nakausap na niya si NBI Deputy Director Vicente De Guzman III at kanyang napag-alaman mula rito na ngayon ay aasikasuhin at kikilalanin din ang sumukong indibidwal at aalamin din kung gaano kalalim ang pananakot na ginawa nito.

Nauna nang kinumpirma ni Guevara na nakatanggap nga ng online tip ang Office of Cybercrime ang Department of Justice hinggil sa umano’y planong pagpatay sa senador.

Sinabi ng kampo ni Marcos na mismong ang Office of Cybercrime ang siyang nagtutulak na maipagpatuloy ang imbestigasyon sa Tiktok video na nagsasabi na may nagpupulong daw araw-araw para pagplanuhin ang pagpaslang kay Marcos Jr.

Ang usapin ay iniimbestigahan na rin ng Philippine National Police (PNP).