-- Advertisements --

Nangingibabaw ngayon sa listahan ng pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) si two-time PBA grand slam champion coach Tim Cone bilang susunod na head coach ng Philippine men’s basketball team.

Gayunman, nilinaw ng mga opisyal ng SBP na maaari pa raw magbago ang listahan ng mga pinagpipiliang maging head coach dahil sasalang pa ito sa review at assessment.

Pero kung si SBP chairman emeritus Manny V. Pangilinan, si Cone na raw ang nararapat na magmando sa Gilas Pilipinas.

Ayon kay Pangilinan, umaasa ito na hindi tututol ang pamunuan ng San Miguel Corporation sa nasabing posibilidad.

Sakaling tanggapin ng tinaguriang winningest coach ng PBA ang alok, siya na ang pupuno sa puwestong binakante ni Yeng Guiao kasunod ng palyadong kampanya ng Gilas sa nakalipas na FIBA World Cup.

Hahawakan din ni Cone ang Gilas pool na kinatatampukan ng mga professional at amateur players, partikular ang mga imports na sina Christian Standhardinger at Stanley Pringle, at mga college standouts na sina Thirdy Ravena at Kobe Paras.

Hindi na bago kay Cone ang maging head mentor ng national team sapagkat pinamunuan na rin nito ang Centennial Team sa bronze-medal finish noong 1998 Asian Games sa Bangkok, Thailand.

Nagkukumahog na sa ngayon ang SBP na humanap ng bagong national coach dahil sa nalalapit na rin ang pag-host ng bansa sa 2019 Southeast Asian Games sa Nobyembre.