Pinatawan ng tig-P1,500 na multa ang entertainment personality na si Tim Yap at 32 iba pa na dumalo sa kanyang birthday party sa The Manor sa lungsod ng Baguio dahil sa paglabag sa ipinatutupad na health and safety protocol laban sa COVID-19.
Sa isang pahayag, sinabi ng Baguio City government na kasama sa mga minultahan ang asawa ni Mayor Benjamin Magalong at ang aktres na si KC Concepcion.
Ang venue naman ay pinatawan ng kabuuang P9,000 multa kung saan P1,000 para sa paglabag sa face mask ordinance, P3,000 sa pagsuway sa physical distancing measures, at P5,000 sa hindi pagsunod sa ordinansa hinggil sa operasyon ng mga business establishments sa ilalim ng new normal.
Kung maaalala, umani ng batikos ang okasyon matapos kumalat sa social media ang mga videos kung saan makikita si Yap at iba pa na nagsasayaw na walang suot na face mask at hindi sumusunod sa social distancing.
Dumalo rin sa event sina Magalong at ang kanyang asawa.
Aminado naman ang alkalde na nalabag ang mga protocols sa isinagawang party.
Dumipensa naman si Yap at iginiit na dinner ang nangyari at pino-promote lamang daw ng event ang mga kabubukas pa lamang na mga tourist destinations.
Dahil dito, nagbitiw sa kanyang puwesto si Magalong bilang contact tracing czar, ngunit hindi ito tinanggap ng COVID-19 Task Force.