Wala umanong masamang intensyon at hindi layunin ni Timothy Yap na lumabag sa health protocols sa pagdaos ng kanyang birthday party sa Baguio City kamakailan.
Pahayag ito ng 44-year-old radio host/eventologist matapos putaktihin ng batikos sa online world kasunod ng pagkalat ng ilang larawan kung saan walang suot na facemask ang karamihan ng mga bisita, walang social distancing at nagsasayawan pa na tila wala ng coronavirus pandemic.
Ayon kay Tim, humihingi siya ng paumanhin sa naglabasang videos ngunit ito ay edited na.
Layunin lang daw sana ng nasabing event na mai-promote ang turismo at kultura ng Baguio, na kanya rin namang nakagawian nang aktibidad kasama ang mga kaibigan.
Ligtas din aniya ang pinagdausan nila ng party dahil nasa labas sila ng hotel, magkakalayo ng mga upuan noong dinner, at nasa 30 katao lang sa venue na isang roofed tent sa 5,000-square-meter garden.
“Every activity was supervised. We worked with the people of Baguio, from the LGUs, to the people, to the venue. We made sure that it wasn’t indoors and it wasn’t packed. Again, I am very, very sorry for those videos that came out that we didn’t have the masks,” saad nito sa CNN Philippines.
Sa ngayon ay iniimbestigan na ng Department of Tourism-Cordillera Administrative Region ang nangyaring salu-salo sa bahagi ng Camp John Hay.
Kabilang sa mga naging bisita ay ang aktres na si KC Concepcion, Baguio City Mayor Benjamin Magalong at misis nito.
Una nang pinagpiyestahan sa internet ang idinaos ding engrandeng party ng kambal ni Richard Gutieerez na si Raymond sa isang restaurant sa Taguig, na ngayon ay ipinasara muna dahil sa isyu ng paglabag sa health protocols.