BAGUIO CITY – Isinasapinal na ng Baguio City Police Office (BCPO) ang timeline sa pagmaltrato na dinaanan ni Cadet 4CL Darwin Dormitorio sa kamay ng mga upperclassmen nito sa Philippine Military Academy (PMA).
Ayon kay BCPO City Director, P/Col. Allen Rae Co, dito nila inilalatag ang koneksyon ng mga karagdagang suspek sa kaso at kung ano ang naging papel ng mga ito sa pagpapahirap sa namatay na kadete.
Aniya, natunton nila ang nangyari kay Cadet Dormitorio mula noong una itong pinahirapan noong Agosto dahil sa paggastos ng kalahati sa allowance nito hanggang sa 18 oras na mala-impiyernong pinagdaanan ng kadete noong Setyembre 17 hanggang ideklara itong pumanaw kinabukasan.
Samantala, magkakaroon ng initial meeting ang BCPO at ang City Prosecutor’s Office ukol sa mga kasong isasampa laban sa mga suspek.
Sinabi naman ni Co na hindi nakarating ng Baguio City si Dexter Dormitorio nito sanang Lunes.
Maaalalang magsisilbing private complainant ang pamilya Dormitorio sa mga kasong isasampa laban sa mga suspek na responsable sa pagmaltrato sa bunsong Dormitorio.
Aniya, inaayos na ang lahat para pagdating ng lungsod ni Dexterat abogado ng mga ito ay babasahin na lamang nito ang mga kaso bago sila didiretso ng Prosecutor’s Office para sa pagsampa ng mga kaso.
Dagdag nito, sa ngayon ay walo lahat ang masasampahan ng kaso kasama na ang doktor na nag-diagnose kay Cadet Dormitorio na mahaharap naman ng criminal negligence.
Gayunman, sinabi ni Co na anumang oras ngayong linggo ay darating ng lungsod ang pamilya Dormitorio.
Ipinangako din nito na ligtas sa lungsod ang pamilya Dormitorio.