-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni Tingog Party list Rep. Jude Acidre ang timing ng paghahain ng mga kaso kaugnay sa 2025 national budget kasunod ng pag-transmit ng Kamara de Representantes ng impeachment case laban kay VP Sara Duterte sa Senado.

Sa isang press conference ngayong Lunes, Pebrero 10, tinawag ng mambabatas ang naturang hakbang na isang “malinaw na diversion sa totoong isyu na dapat aniya’y sagutin ng kabilang kampo”.

Bagamat sinabi din ng mambabatas na malaya aniya ang mga complainant at kapwa nila mambabatas na maghain ng kaso.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos opisyal ng ihain sa Ombudsman ngayong araw ang 12 bilang ng falsification of legislative documents at graft laban kina House Speaker Martin Romualdez, Majority Leader Manuel Dalipe, at House budget leaders Stella Quimbo at Zaldy Co may kaugnayan sa nadiskubreng ‘blank items’ sa bicameral report para sa 2025 national budget.

Sa inihaing reklamo, tinukoy ang umano’y insertions sa pambansang pondo para ngayong 2025 na nagkakahalaga ng nasa P241 billion.

Kabilang sa mga naghain ng complaints sina Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, Atty. Ferdinand Topacio ng Citizen’s Crime Watch, Senate aspirants Jimmy Bondoc at Raul Lambino, at Atty. Virgilio Garcia.

Samantala, nauna naman ng itinanggi ni Cong. Alvarez ang mga paratang na ang naturang hakbang ay may kaugnayan sa impeachment ni VP Sara Duterte dahil iba aniya ito sa isyu kaugnay sa budget na isang criminal case.