BAGUIO CITY – Nagluluksa ang lungsod ng Baguio dahil sa pagpanaw ng kanilang tinaguriang Santa Claus na si Narciso “Nars” Padilla.
Pumanaw ito kahapon dahil sa cardiac arrest sa edad na 87-anyos.
Kilala din si Padilla bilang isang columnist, sportswriter, photographer at event organizer maliban sa pagiging Santa Claus nito sa Baguio tuwing Disyembre ng mahigit 40-taon.
Nagsilbi siya bilang konsehal ng Baguio mula 1992 hanggang 1995 at bilang city tourism officer.
Binuo ni Padilla ang konsepto ng Silahis ng Pasko, na isang multi-event month long festivity tuwing Disyembre.
Sa naturang event, daan-daang mga bata ang nakikibahagi sa Children’s Mardi Gras tuwing December 1.
Pinangunahan din ni Padilla ang pagpapatayo sa mga busts ng mga tinaguriang builders ng Baguio na sina Daniel Burnham na nagdisenyo ng Baguio City at Lyman Kennon na nanguna sa konstruksion ng historic Kennon Road.
Tinapos din niya ang Brown Madonna Shrine sa Asin Road, Baguio City sa loob ng 20 taon na nagsisilbing ngayong paggunita sa EDSA Revolution.
Nagsilbi pa si Padilla bilang presidente ng Baguio Correspondents and Broadcasters Club at ng National Correspondents Club of Baguio.