Iginiit ng Department of Finance na hindi makaaapekto sa benepisyo ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhiHealth) kahit na gamitin ng gobyerno ang tinapyas na natutulog na pondo nito o sa planong palawakin ang kanilang benepisyo ngayong taon.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, alinsunod sa prinsipyong medikal na “first do no harm,” ang paggamit ng sleeping fund ng PhilHealth ay hindi makakaapekto sa benepisyo ng mga miyembro ng Philhealth.
Ayon pa sa kalihim, sa lumalaking kita at patuloy na mga subsidiya ng gobyerno, ang PhilHealth ay magkakaroon nang higit sa sapat na pondo upang masakop ang roll out ng mga bagong benepisyo ng state insurer para sa taong ito.
Yung benefit packages sa mga myembro ng PhilHealth, dadagdagan sa taon na ito ng mahigit 30%. Tapos ang malulubhang sakit katulad ng breast cancer, binibigay ngayon 100,000 pesos, gagawing 1.4 million. At marami pang iba,” paliwanag ni Recto.
“In fact ang gobyerno next year ay magbibigay na naman ng 70 billion sa PhilHealth. Sapat na sapat, dadagdagan ang benepisyo,” dagdag ni Recto.
Ipinaliwanag ni Recto na mahigit kalahating trilyong piso ang nasa kaban ng ahensya, sapat na para mabayaran ang dalawa hanggang tatlong taon nitong gastusin.
“By the end of this year, 550 billion pesos ang pondo ng PhilHealth. Kahit na dalawa o tatlong taon, sapat na ‘yung pondong yan,” ani Recto.
Pinunto niyo na sa pagtatapos ng 2024, aabot sa 61 billion piso ang net income ng PhilHealth.
Ibinunyag pa ng kalihim na ang 20 bilyong piso ng sobrang pondo ng PhilHealth na unang inilipat ay ginamit para masakop ang mga health emergency allowance ng mga health worker at frontliners.