Umapela si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa Senado na ibalik ang P10 bilyon na pondo na tinapyas para sa Revised Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program para sa susunod na taon.
Ginawa ni dela Rosa ang apela na ito sa deliberasyon ng plenaryo ng Senado sa panukalang P6.352-trillion national budget bill.
Kung ikukumpara ang National Expenditure Program (NEP) at ang General Appropriations Bill (GAB) na inaprubahan ng Mababang Kapulungan, ikinalungkot ni dela Rosa ang pagbabawas ng House of Representatives sa panukalang P50 bilyon ng Executive Department para sa Revised AFP Modernization Program sa P40 bilyon.
Ang mga pagbabagong ginawa ng Kamara ay pinagtibay ng Senate finance committee sa committee report ng budget bill.
Binigyang-diin ng dating PNP chief na ang first line of defense ng ating bansa ay hindi dapat pag-iwas o pagtakas sa tuwing may pag-atake.
Kaya naman apela ni dela Rosa na ibalik ang natapyas na pondo na ipinakilala ng House of Representatives para mapalakas ang moral ng tropa ng bansa.
Nangako naman si Senate Finance Committee Chairperson Grace Poe na sisilipin ang apela ni Dela Rosa at sinabing handa siyang ikonsidera ang panukala.