Sinabi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy na dapat magbigay ng respeto at dangal sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa matapos itong tapyasan ng pondo g mababang kapulungan ng Kongreso para sa susunod na taon.
Ang pahayag ni Estrada ay matapos irekomenda ng ilang mambabatas sa Kamara na bawasan ng P1.29 billion ang P2 billion proposed budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025.
Paano aniya makakapagtrabaho ang opisina ng bise presidente kung tatapyasan ito ng pondo kaya mas mainam aniya na ibalik na lamang ang tinapyas na budget ng OVP.
Samantala, sa palagay ni Estrada, mayorya ng mga senador ay sasang-ayon na ibalik ang tinapyas na pondo ng tanggapan ng pangalawang pangulo ng bansa.
Nang matanong ang senador hinggil sa hindi pagdalo ni VP Sara Duterte sa budget hearing na Kamara aniya base sa tradisyon ng Kongreso hindi na kailangang dumalo pa ang President at Vice President dahil binibigyan sila ng kortesiya.
Boluntaryo na lamang aniya siguro sa parte ni dating bise presidente Leni Robredo ang pagdalo sa budget hearing ngunit sa tradisyon ay hindi naman na kinakailangan.
Gayunpaman, tiniyak ni Estrada, na hindi mawawala ang transparency at accountability sa pagbusisi sa panukalang pondo ng OVP para sa susunod na taon.