Ipinaalala ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga Pilipino na ang kalayaan at kasarinlan ay mayroong kaakibat na responsibilidad na ipaglaban ang isang makatarungang lipunan.
Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag sa pagdiriwang ng ika-126 Araw ng Kalayaan sa makasaysayang Barasoain Church, sa Malolos, Bulacan, kung saan isinilang ang unang demokratikong republiko.
Nakasama ni Speaker Romualdez sa event ang ilang miyembro ng Kamara de Representantes at mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Bulacan Gov. Daniel Fernando.
Ayon sa lider ng Kamara ang Independence Day ay isa ring okasyon upang pag-isahin ang bansa patungo sa maunlad at makatarungang lipunan.
“Ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay hindi lamang pagbabalik-tanaw sa ating makulay na kasaysayan. Pagkakataon din ito para tayo’y magkaisa sa pagbuo ng isang mas maunlad at makatarungang lipunan. Sa bawat hakbang natin patungo sa kaunlaran, nawa’y lagi nating tandaan ang mga aral ng nakaraan at ang mga sakripisyo ng ating mga ninuno,” sabi pa ni Speaker Romualdez.
Dagdag pa ni Speaker Romualdez na isang karangalan at prebilihiyo para sa kanya ang mabigyan ng oportunidad na sila ay makasama sa pagdiriwang ng Independence Day.
Ayon kay Speaker Romualdez ang makasaysayang simbahan ay nagsilbing saksi sa pagtatayo ng 1898 Congress at ang pagsasagawa rito ng unang sesyon at kung saan ang Malolos Constitution ay isinulat.
Binati rin ni Speaker Romualdez ang kanyang mga kasama at lokal na opisyal at ang sambayanang Pilipino ng masaya at makabuluhang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
“Sa ating lahat, isang maligayang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan! Nawa’y patuloy tayong magsilbing inspirasyon sa isa’t isa. Sama-sama nating itaguyod ang isang bansang tunay na malaya, makatarungan, at maunlad,” dagdag pa nito.