-- Advertisements --

Usap-usapan ngayon ang pahayag sa social media ni UFC star Conor McGregor na mistulang nagpaliyab sa potensyal na superfight laban kay eight-division Filipino boxing world champion Manny “Pacman” Pacquiao.

Sa kanya kasing Twitter account, nag-tweet si McGregor na “Tinatanggap ko”, ngunit hindi na naglahad pa ng karagdagang detalye.

Ito’y isang araw lamang makaraang mag-tweet din si McGregor ng English version ng nasabing pahayag, na inakala ng marami ay nakatuon kay UFC welterweight Khazmat Chimaev.

Ngunit nilinaw ni McGregor na hindi umano si Chimaev ang kanyang pinatutungkulan.

Kung maaalala, hindi itinatago ng MMA superstar ang kanyang interes na makasagupa sa ibabaw ng boxing ring ang Pinoy ring icon.

Lumakas lalo ang ispekulasyon tungkol sa isang Pacquiao-McGregor clash nang lumagda ang Fighting Senator ng kontrata sa Paradigm Sports Management, na kumakatawan din kay McGregor, noong Pebrero.