-- Advertisements --

NAGA CITY – Tinatayang aabot sa P6.6B ang halaga ng pinsala ng tatlong magkakasunod na bagyo sa sektor ng agrikultura sa Bicol Region.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay May Rodriguez, Chief of Operations Division ng Department of Agriculture (DA)-Bicol, sinabi nito na sa mga nagdaang bagyo na Bagyong Quinta, Super Typhoon Rolly at Bagyong Ulysses, pinakamalala ang naging pinsala ni Super Typhoon Rolly.

Kung maaalala kasi umabot sa P4.2 billion ang pinsala na naitala ng nasabing bagyo sa sektor ng agrikultura.

Dagdag pa ni Rodriguez, maliban sa palay sakop din ng kanilang assessment ang pinsala sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Coconut Authority (PCA) maging sa bahagi ng mga abaca, gayundin ang pinsala sa mga nagtatanim ng tubo.

Ngunit sa kabila nito, ang rice sector umano ang kanilang pinaka-inagapan kung saan bago pa man dumating ang bagyo ay pinaani na nila sa mga magsasaka ang palay na pwede ng anihin.

Samantala, nabatid din na ang lalawigan ng Camarines Sur at Catanduanes ang nagtamo ng pinakamalaking pinsala sa sektor ng agrikultura.

Sa ngayon, may mga paunang tulong na rin na naibigay ang nasabing ahensiya para sa mga magsasaka lalo na sa mga labis na naapektuhan na naturang kalamidad na nanalasa sa Bicol Region.