-- Advertisements --

Malabo pa raw na makabangon ngayong taon ang pharmaceutical at healthcare industry sa bansa.

Inaasahan kasi na makakabawi na ang P270 billion industry ngayong taon ng 5-6 percent growth mula sa negative 11 percent noong 2020.

Ayon kay Dr. Beaver Tamesis, presidente ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP), kung pagbabatayan umano ang kasalukuyang lagay ng bansa dahil sa coronavirus pandemic ay mahihirapan pa umano ang nasabing industriya na makabangon.

Hindi raw kasi imposible na bumalik ulit ang Pilipinas sa lockdown habang limitado naman ang bilang ng mga pasyente na dinadala sa mga ospital dahil na rin sa mataas na utilization rate nito.

Taliwas aniya sa ideya ng nakararami na malaki ang kinikita ngayon ng pharmaceutical at hospital industry dahil sa health crisis. Kwento ni Tamesis, bumaba ng 11 percent ang kinita ng mga botika at ospital dahil takot ang publiko na magpunta sa mga ospital bunsod ng pandemic.

Ang tanging bahagi lang umano ng ospital na puno ng mga pasyente ay ang mga palapag kung saan naka-admit ang mga COVID-19 patients, pero kung titingnan daw ng mabuti ay halos walang tao sa mga ospital.

Bahagya namang tumaas ang kita noong 2020 ng mga over-the-counter medicines lalo na ang mga vitamins, subalit ang mga antibiotics at in-patient required drugs ay bumulusok ang kita.

“Some are okay but the majority of our business is in the dumps,” ani Tamesis.

Naniniwala rin si Tamesis na walang magandang dulot sa industriya ang umano’y price control sa ilalim ng Maximum Drug Retail Price (MDRP) at posibleng mapilitan ang mga kumpanya na tuluyang magsara.

“If you again will be going to price controls, that will impose a lot of hardship for the industry and will force a lot of restructuring, will force a lot of rethinking about how we do business n the country,” pahayag ng doktor.

Sa ngayon ay may ilang kumpanya na raw ang inaaral muli ang kanilang papel sa merkado, inaayos ang kanilang mga gastusin, at kung papaano magagampanan ang kanilang pangako na hindi makararanas ng interruption sa drug supply ng bansa.