Nakikiisa si Tingog Partylist Rep. Yedda Marie K. Romualdez sa liderato ng Kamara de Representantes sa pagsang-ayon sa katatapos na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isa upang pagtupad sa mga pangako ng Pangulo sa mga Pilipino para sa isang Bagong Pilipinas.
Ayon kay Romualdez binigyan diin sa SONA ng Pangulo ang mga tagumpay ng kanyang administrasyon sa pagpapa-unlad ng agrikultura, mga patakarang pang-ekonomiya, mga inobasyon, modernisasyon, pinabuting pangangalaga ng kalusugan, at mga programang panlipunan para sa pagpapabuti ng katayuan sa buhay ng mga Pilipino.
Kabilang din sa naging tampok sa SONA ng Pangulo ang mga solusyon sa mataas na inflation rate at ang kaniyang matatag na posisyon sa isyu ng West Philippine Sea at Philippine online gaming operators (POGOs).
Sinabi ni Rep. Romualdez na sa kabila ng mga pagsubok, ang administrasyon at ang Kamara de Representantes ay hindi natitinag na matulungan ang mga Pilipino at hindi tumatalikod sa kanilang tungkulin.
Inilahad din ng lady solon ang ilang mga nagawa ng 19th Congress, kabilang na ang pagpapatibay ng New Agrarian Emancipation Act, Maharlika Investment Fund Act, Regional Specialty Centers Act, Trabaho Para sa Bayan Act, Caregivers’ Welfare Act, Public-Private Partnership (PPP) Code of the Philippines, at Internet Transactions Act.
Ibinahagi ni Rep. Romualdez ang mga pagsusumikap ng Tingog Partylist na mailapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga Tingog Centers sa buong bansa lalo na sa mga malalayong lugar.
“We stand with the President in fighting against what is wrong and promoting what is right. Rest assured, our loyalty lies not only in our duties but also to the people and, above all, to our beloved country,” ayon pa sa pahayag ni Rep. Romualdez.