-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nawalan man, naibalik naman ng hindi lang doble kundi triple pa ang pera ng isang tireman sa lungsod ng Legazpi.

Kwento ni City Public Safety Office chief Rolly Esguerra sa Bombo Radyo Legazpi, lumapit sa kanilang tanggapan ang amo ni Arnel Echano upang hilingin kung maaring mabalikan ang CCTV footage sa bahagi ng Brgy. Cabangan at Rizal St.

Umaasa kasi umano si Echano na makikita pa kung saan nalaglag ang P3, 000 na cash advance nito para sana sa pambili ng gamot ng asawa.

Sa unang tingin pa lang, imposible na ang request para kay Esguerra dahil “busy street” ang tinutukoy kaya’t nagpost na lang ito sa social media sa sinumang tutulong para maibalik ang halaga.

Hindi akalaing dadagsa ang mga netizens na tutulong kay Tatay Arnel kung saan ilan ay mula pa sa Maynila kabilang na si BFP NCR Regional Director Gilbert Dolot.

Lubos naman ang pasasalamat ng buong pamilya sa lahat ng tumulong kung saan umabot pa sa P20, 000 ang nalikom na naiabot na rin sa pamilya.

Sa ngayon, nakabili na ng gamot ang asawa ni Tatay Arnel habang bahagi ng natanggap na tulong ay gagamitin sa pagpapasimula ng maliit na negosyo.

Samantala, inspirasyon ngayon sa maraming netizens ang nangyari na umano’y patotoo na may maganda rin namang balik ang social media kapag nagagamit sa tama.