-- Advertisements --

Nagsalita na ang dating senate president at host ng longest entertainment show na si Vicente “Tito” Sotto III tungkol sa likod ng muling pagputok ng kontrobersya tungkol sa yumaong sexy aktres na si Pepsi Paloma.

Sa isang interview inakusahan ni Sotto si Rey dela Cruz, ang dating talent manager ni Paloma, na nag-udyok umano ng isyu bilang isang ”gimmick” matapos makaalitan nito ang pamilyang Sotto tungkol sa hindi nabayarang TV guesting.

‘Alam ko ang pinagmulan niyan eh. It was a showbiz gimmick 42 years ago. Sa tagal-tagal ng panahon na walang problema sa brother ko (Vic Sotto), meron nang nakaisip bumaling. Baka pera ang usapan diyan or meron gustong siraan. ‘Yun lang ang pupuntahan niyan,’ ani Tito Sotto sa isang interview.

Ayon kay Sotto, nais ni Dela Cruz na maghiganti sa kanilang pamilya kung kaya’t aniya ang isyu ukol sa rape case ni Paloma laban sa kanyang nakababatang kapatid na si Vic Sotto ay muling umusbong matapos ilunsad ng kontrobersyal na director na si Darryl Yap
ang pelikulang ‘The Rapists of Pepsi Paloma’ noong Disyembre 2024.

‘Sa amin, matagal na naming binasura. Sapagkat, alam namin kung anong pinagmulan niyan. Gusto maka-singil ni Rey dela Cruz sa guesting ng artists niya na hindi makasingil, ‘yun talaga ang nagsimula pero wala ng iba,’ sabi nito matapos hindi pangalanan ang naturang talents.

Maaalalang sa teaser ng pelikula, ipinakita na si Vic Sotto ay isa sa mga hinihinalang rapist ni Paloma, na nagdulot ng pagkaso ni Vic Sotto at nag-file ng writ of habeas data para ipatanggal ang teaser, at nagsampa rin siya ng reklamo ng 19 counts ng cyberlibel laban kay Yap.

Habang ipinagkaloob naman ng Muntinlupa Regional Trial Court ang petisyon para tanggalin ang teaser,ngunit hindi nito pinigilan ang pagpapalabas ng pelikula. Itinanggi naman ni Tito Sotto na natanggap ng kanyang pamilya ang kopya ng script ng pelikula, na taliwas sa sinabi ng legal counsel ni Yap na ipinadala raw ito sa isang “Sotto sibling na senador.”

Samantala pumanaw si Paloma noong 1985 matapos magpakamatay, tatlong taon pagkatapos i-dismiss ang kanyang reklamo laban kay Vic Sotto. Habang Si Rey dela Cruz naman ay binaril at napatay sa harap ng kanyang clinic sa Quiapo, Manila noong 1993, at kasalukuyang hindi pa rin tukoy ang mga pumatay dito.