NAGA CITY – Hindi pa rin makapaniwala hanggang ngayon ang Bicolanang Top 3 2020 Licensure Examination for Teachers- Elementary level sa nakamit nitong mataas na marka sa eksaminasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jenny Grace Moreno, nabigla ito sa naging resulta ng naturang pagsusulit at hanggang ngayon aniya’y hindi pa nagsisink-in sa kaniya na nakuha nito ang ikatlong pwesto kung saan nakuha nito ang 92.2% na rating.
Ibinahagi ni Moreno na tanganing ang kaniyang pamilya at malalapit na kaibigan lamang ang nakakaalam na magte-take ito ng exam kung kaya marami rin umanong nabigla rito.
Dagdag pa rito, hindi naman umano naging madali ang pinagdaanan nito para makapasa lalo na’t makailang ulit na ring naipagpaliban ang eksaminasyon dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
Maliban pa rito, hinahati umano nito ang kaniyang oras sa pagrereview at pagtatrabaho bilang isang hotel receptionist.
Ngunit dahil sa pagtatiyaga at pananampalatay umano nito sa Panginoon ay nagawa nitong makamit ang ganitong biyaya.
Si Moreno ang nagtapos sa Partido State University noong taong 2019 sa kursong Bachelor of Elementary Education sa bayan ng Goa, Camarines Sur.
Samantala, maliban kay Moreno, nakuha rin nina Jessica Angelee Baquiran mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela, Thomas Jefferson Fernando mula sa Pangasinan State University at Jonald Traquiña mula naman sa Southern Luzon State University – Polillo ang nasabi ring pwesto.
Kaugnay nito, nakuha rin ni Jenechielle Lopoy mula sa Saint Michael’s College of Laguna ang unang pwesto na may rating na 93.8% habang nakuha naman ni Lorelei Aunario mula sa University of the Philippines – Diliman ang pangalawang pwesto sa rating na 92.6%.
Sa ngayon, plano ni Moreno na ipagpatuloy ang karera nito sa pagtuturo lalo na’t malapit harani talaga ang puso nito sa mga bata.