CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi umano sukatan na ang pagkaroon ng interpreter sa isang beauty pageant ay pagpapakita ng kahinaan ng kandidata.
Ganito ang pagsalarawan sa tiyahin ni Ms Universe-Philippines candidate Maxine Medina habang papalapit ang grand coronation ng 65th Miss Universe sa Mall of Asia Arena sa Enero 30, 2017.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag sa tiyahin ni Maxine na si Gracylen Go na kung sakali na magkaroon ang Pilipinas ng interpreter ay nangangahulugan lamang ito na tayo ay determinado na makuha ang pinag-agawan na korona sa Miss Universe.
Sinabi ni Go na dati ring sumabak ng beauty pageant contest noong kanyang kabataan ay hindi madali ang sumalang sa question and answer portion kaya nauunawaan nito ang pagkuha ng interpreter.
Katunayan, nagbibiro pa na sinabi ni Go na nakahanda ito na tatayo na interpreter para kay Medina kung kakailanganin sa mismong araw ng grand coronation.
Una nang inamin nito na apektado rin sila sa mga tinanggap na panglalait kay Maxine mula sa social media bashers.
Ganoon pa man, patuloy na hinikayat ng mga kaanak ni Medina na nagmula sa Northern Mindanao na ipaabot ang suporta para sa kanya lalo pa’t siya ang kumakatawan para sa sambayanang Filipino sa nasabing prestihiyosong pageant contest.