-- Advertisements --

Pinuna ng Chinese authorities ang anila’y pagsakay sa isyu ng ilang grupo para lumala ang sitwasyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa pagkakasagasa sa bangka ng mga mangingisdang Pinoy habang nasa Recto Bank.

Ayon kay Chinese foreign ministry spokesman Geng Shuang, maituturing lang itong karaniwang maritime traffic accident na nangyayari rin sa ibang lugar.

Gayunman, mag-iimbestiga umano sila kung talagang Chinese ang mga nakasagasa at nag-abandona sa mga mahigit 20 mangingisdang Filipino.

Handa rin daw silang parusahan ang may kagagawan, kung mapapatunayang kababayan nila ang mga iyon.

“If the relevant reports are true, regardless of the country from which the perpetrator came from, their behavior should be condemned,” pahayag ni Shuang.

Samantala, ang Philippine government ay may sarili na ring pagsisiyasat.

Pero nakapaghain na umano ng diplomatic protest ang bansa, base sa nakuhang inisyal na testimonya sa mga biktimang Filipino.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, na kung mapapatunayan na sinadya ang pananagasa at pag-abandona ay ibang usapan na at may mga balak na silang hakbang hinggil dito.

“Regardless of the nature of the collision, whether it was accidental or intentional, common decency and the dictates of humanity require the immediate saving of the crew of the downed Philippine vessel,” wika ni Panelo.