-- Advertisements --
ping lacson facemask

Naniniwala si Sen. Panfilo Lacson na sigurado siyang reenacted budget na ang mangyayari sa pagpasok ng bagong taon.

Ayon kay Lacson, 100% siyang naniniwala na hindi na kayang maihabol pa ang 2021 P4.5-trillion budget kaya ang 2020 budget pa rin ang magagamit sa unang bahagi ng susunod na taon.

Sa ginawang pagkwenta ng senador, kahit pagtibayin pa ng mga congressman ang 2021 national budget sa November 12, aabutin pa ito ng isang linggo sa pag-imprenta.

At kung umabot naman daw ng November 20 na isumite ito sa Senado, kailangan nila itong pag-aralan ng isang linggo bago magkaroon ng isponsor sa plenaryo ng Senado.

Kadalasan daw kasi mabusisi ang mga senador sa pag-aaral sa budget kung saan mabilis na ang tatlong linggo na plenary debates.

Dismayado ang senador kung bakit nadamay ang national budget sa away at agawan sa speakership sa Kamara.

“Kaya sana kung tinapos nila October 14 at bago mag-break nasa amin na ang HOR version ng budget measure kayang kaya natin ipasa ‘yan bago mag-Dec 31,” wika pa ni Lacson sa virtual interview. “If the House version of the bill reaches the Senate November 20, the Senate will need at least one week to study it before it is sponsored on the Senate floor.”

Alan peter cayetano House BUDGET

Una rito, maging si Senate President Tito Sotto ay duda na rin na dahil sa maagang pagbakasyon ng mga congressman kung saan magdudulot ito sa pag-operate sa reenacted na General Appropriations Act sa susunod na taon.

Kaya naman hindi na raw nasorpresa si Sotto sa pag-analisa ni Lacson na reenacted na ang mangyayari.

Isa pa sa nakikitang scenario ng lider ng mataas na kapulungan ay kung nagmamadali raw talaga ay i-adopt na lang ng Kamara ang maipapasa ng Senado sa third reading na budget sa pagbabalik ng sesyon sa Nobyembre.

“Ang disappointment ko is that the timetable, as far as the Senate is concerned, is going to be very very tight. You see? Iyan ang problema ko na nakikita ko and this is not the problem that is confined to me alone. This is the problem that most of all the chairmen of the sub committees and most particularly the chairman of the senate committee on finance and those who are going to interpellate,” ani Sotto sa interview. “We are really staring at the possibility of the re-enacted budget. Isang buwan ang delay sa ini-expect namin.”

Senate Tito Sotto gavel
Photo from Albert Calvelo/Senate PRIB

Ang Senado kasi ay magkakaroon ng break sa October 14.

Pero ang Kamara ay ngayon pa lamang ay maaga nang nag-break kasabay nang pagpasa sa second reading nitong nakalipas na Martes sa 2021 national budget.

Babalik na lamang ang kanilang sesyon sa November 16 para isunod naman ang third and final reading sa budget.

Para naman kay Sen. Sonny Angara, na siyang chairman ng Senate finance committee, dismayado rin siya dahil hindi na masusunod ang naunang napag-usapan na dapat sa susunod na linggo ay pagtitibayin na ng Kamara sa third reading ang General Appropriations Act for 2021.

Kung nasunod daw sana ito ay maagang maisusumite sa Senado ang budget bill para pagbalik daw ng sesyon sa November 16 ay isasagawa na ang debate sa plenaryo.