KORONADAL CITY – Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang isang tiyuhin matapos na aksidenteng mabaril-patay ang sariling pamangkin sa bayan ng Kabacan, North Cotabato.
Ito ang inihayag ni SSgt. Jeorge Salcedo Bandiola, imbestigador ng Kabacan PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang nasawi na si Aries Quezada, 26, at residente ng New Bugasong, Matalam, Cotabato habang ang suspek ay tiyuhin nuitong si Rey Quizada Ignacio na residente naman ng nabanggit na lugar.
Ayon kay Bandiola, unang naiulat na self-accident ang nangyari kay Aries nang dinala ito sa ospital ngunit kinalaunan ay nabunyag na nabaril ito ng kanyang tiyuhin.
Lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na habang magkasama ang magtiyuhin ay pinaglaruan ng mga ito ang isang 9mm pistol nang aksidenteng pumutok at tumama sa leeg at tumagos sa likod ng biktima.
Boluntaryo namang sumuko ang suspek sa mga otoridad matapos na binawian ng buhay ang biktima.
Napag-alaman na ang baril na ginamit ng suspek ay pagmamay-ari ng isa pang tiyuhin ng biktima na tatakbo sa pagka-alkalde ng bayan.
Sa ngayon, kasalukuyan namang nasa kustodiya ng mga otoridad ang suspek.