BACOLOD CITY – Dobleng takot ang nararamdaman ng pamilya ng Epogon robbery group na nag-ooperate sa Negros Occidental makaraang pinatay ang tiyuhin ng nakababatang miyembro ng grupo na namatay sa shootout laban sa mga otoridad sa Sipalay City.
Kagabi, namatay si Eduardo Cataraja, 55-anyos, tricycle driver, makaraang pinasok ng tatlong armadong lalaki sa kanilang bahay sa Sitio Linya, Barangay Cabug, Bacolod City at pinagbabaril.
Dahil sa maraming tama sa katawan, naabutan na lamang ng mga pulis na wala nang buhay si Cataraja na nag-iisa lang sa kanyang bahay.
Narekober sa crime scene ang walong fired cartridges ng caliber .45 pistol.
Sa pag-usisa ng Bombo Radyo Bacolod, si Cataraja ay tiyuhin ni Eddie Epogon na namatay matapos umanong manlaban sa mga pulis na naghain ng warrant of arrest laban sa kanya sa Sitio Manluy-a, Barangay San Jose, Sipalay City, nitong Sabado ng madaling-araw.
Sa panayam kay Michelle, pinsan ng misis ni Epogon, si Cataraja ay kapatid ng ina ni Eddie.
Si Eddie Epogon ay nahaharap sa patong-patong na kaso kaugnay sa panloloob sa bahay ng Belgian national sa Villa Angela Subdivision, Barangay Villamonte, Bacolod City noong June 17, 2020 kung saan namatay si Carl Noles matapos na kanilang binaril.
Aniya, natatakot na rin sila sa kanilang seguridad dahil lumulutang ang impormasyon na may shoot-to-kill order laban sa iba pang miyembro ng pamilya Epogon na wanted sa batas.