-- Advertisements --

ROXAS CITY – Patay ang 65 anyos na tiyuhin matapos tagain ng kaniyang sariling pamangkin sa Bombahan, Barangay Balucuan, Dao, Capiz.

Kinilala ang biktima na si Jose Villas, residente ng naturang lugar.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Dao Municipal Police Station, magkasamang nag-inuman ang biktima at ang suspek na si Jomarie Legaspi, 45, nang bigla na lamang silang nagkaalitan.

Dahil sa init ng komprontasyon ng dalawang, unang tinaga ng biktima ang kaniyang pamangkin na tinamaan sa braso at mukha.

Kaagad namang gumanti ng taga ang pamangkin nito gamit ang palakol kung saan tinamaan ang biktima sa leeg.

Dinala pa ang biktima sa Dao District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Samantala dinala naman sa Mambusao District Hospital si Legaspi at patuloy na ginagamot.