-- Advertisements --

ROXAS CITY – Patay ang 62 anyos na tiyuhin matapos pinagtataga ng sarili nitong pamangkin sa Barangay San Nicholas, Tapaz, Capiz.

Kinilala ang biktima na si Esmundo Gapi at residente rin ng naturang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa imbestigador ng Tapaz Municipal Police Station na si Police Senior Master Sergeant Rocer Garde, inihayag nito na nakaalitan ng biktima ang suspek na pamangkin nito na si Joey Melicado, 35 anyos.

Nag-ugat ang pagtatalo ng dalawa dahil ikinagalit umano ng suspek ang pagpapahiram ng biktima ng kaniyang charger at battery ng sasakyan na hindi man lang ipinaalam sa kaniya.

Dahil sa init ng kanilang alitan ay nagtangka umanong kumuha ng itak ang biktima ngunit inunahan na ito ng taga ng suspek gamit naman ang kaniyang itak.

Nagtamo ng mga patal na sugat sa likod na porsyon ng ulo, kanang kamay, tiyan at likod ang biktima dahil sa pananaga ng suspek.

Dinala pa ang biktima sa ospital ngunit kaagad rin itong binawian ng buhay.

Sa ngayon ay nakaaresto na sa Tapaz Municipal Police Station ang suspek matapos kusa itong sumuko sa mga pulis.