-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Personal na alitan ang natatanaw na motibo ng mga otoridad sa brutal na pagpatay sa isang myembro ng Traffic Management Unit (TMU) sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Norodin Tol Musa,37 anyos,may asawa at residente ng Purok 4 Barangay Dungguan M’lang Cotabato.

Ayon kay M’lang Chief of Police Lieutenant Colonel Realan Mamon na kumatok pa sa bahay ng biktima ang mga suspek pero hindi ito pinagbuksan.

Nagbanta ang mga salarin na uubusin sila kapag hindi pinalabas si Musa.

Nang pumasok ang armadong kalalakihan, pinapunta sa kwarto ang asawa at anak ng biktima habang pinaluhod naman si musa at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek na sumakay umano ng dalawang motorsiklo.

Naisugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit hindi na ito umabot ng buhay matapos magtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanilang katawan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng M’lang PNP sa brutal na pagpatay sa biktima.