-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Upang magampanan ng mahusay ang kanilang mga trabaho at responsibilidad bilang mga tagapangalaga ng daloy ng trapiko at matiyak ang kaligtasan sa kalsada o road safety, sumailalim sa tatlong araw na pagsasanay ang mga miyembro ng Traffic Management Unit (TMU) ng Kidapawan City ganundin mula sa mga munisipalidad ng Antipas at Arakan Cotabato.

Ito ang Traffic Management Skills Training Seminar and Proper Hand Signal na isinagawa sa City Convention Center na dinaluhan ng abot sa 30 partisipante kabilang ang ilang police personnel na nakatalaga sa Municipal Police Traffic Section ng Antipas at Arakan.

Si 2nd District of Cotabato Senior Board Member Joseph A. Evangelista ang nagbigay ng mensahe sa pagbubukas ng nabanggit na training kung saan hinimok niya ang mga TMU personnel na gawin ang sinumpaang tungkulin at panatilihin ang propesyonalismo sa trabaho.

Lecturer sa unang dalawang araw ng training si Land Transportation Office Kidapawan District TRO I Adjudicator Sahid D. Abutazil kung saan ipinaliwanag niya ang nilalaman at kahalagahan ng Republic Act 4136.

Samantala, ibinahagi naman ni TMU Kidapawan OIC Richelle L. Taclindo ang tungkol sa Norms and Conduct, Enforcement Role of TMU kung saan nakapaloob ang Responsibilities and Characteristics of a Traffic Enforcer.

Kabilang din sa itinuro sa mga partisipante sa kanilang first two days ang Creation of Traffic Management Emergency Unit, Road Safety at Defensive Driving habang ang karagdagang lecture sa City Ordinances, Traffic Signs and Signals ay ibinahagi naman ni Maricel Regis ng TMU Kidapawan.

Sa ikatlong araw naman ay nagsagawa ng actual demonstration at actual traffic management ang mga lumahok na TMU at police personnel kung saan sa bahagi intersection ng P.C. Barracks, Barangay Sudapin pumuwesto.