Tinanggap na raw ni TNT governor Ricky Vargas ang paghingi ng paumanhin ng dating consultant at assistant coach ng KaTropa na si Tab Baldwin kaugnay sa mga kontrobersyal nitong pahayag sa PBA, maging sa mga coach at sa mga opisyal.
“Nag-apologize si Tab. He apologized and I’ve accepted the apology,” wika ni Vargas sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum.
Gayunman, inamin ni Vargas na nainsulto rin daw ito sa mga komento ni Baldwin.
Sa kabila rin aniya ng pagtanggap nito ng sorry ni Baldwin sa pamunuan ng TNT, isiniwalat ni Vargas na mistulang hindi umano sinsero ang paumanhin ng coach.
“Ang impact sa akin ng comment niya na taken out of context after the apology he made was a little bit insincere because it was sort of, ‘I apologize but I was taken out of context,’ so it tilted to push it to blaming others,” ani Vargas, na siya ring chairman ng PBA.
“The consequence of that statement that take him out of context became more divisive. Pinabayaan ko na,” dagdag nito.
Tumanggi naman si Vargas na magkomento sa magiging epekto ng kontrobersiya sa papel ni Baldwin bilang program director ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Iginiit ni Vargas na si SBP president Al Panlilio ang nararapat na magbigay ng opinyon hinggil sa isyu.
Matatandaang umani ng samu’t saring batikos si Baldwin matapos nitong punahin ang professional league tungkol sa one import rule, officiating maging ang paraan ng pagko-coach sa PBA.
Bagama’t humingi ng paumanhin ang Ateneo coach sa PBA, iginiit naman nito na nagkamali lamang daw ng pang-unawa ang mga kritiko sa kanyang mga komento.
Kalaunan ay pinatawan si Baldwin ng P75,000 multa ng PBA Commissioner’s Office, at sinuspinde ng tatlong laro bago ito tanggalin ng KaTropa.