Umabanse na sa semifinals ang TNT Tropang Giga matapos ang kanilang 104-83 pagdomina sa Alaska Aces sa nagpapatuloy na PBA Philippine Cup sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center sa Pampanga.
Nagpamalas ng matinding opensa si Roger Pogoy na nagtapos na may 34 points, walong rebounds, apat na assists, at tatlong steals upang pamunuan ang Tropang Giga.
Umalalay din sa TNT si Bobby Ray Parks na tumipa ng 20 points, limang rebounds, at limang assists.
Sa panig ng Aces, nalimitahan lamang sa 13 points si Jeron Teng, habang may tig-12 puntos sina Maverick Ahanmisi at Vic Manuel.
Napilayan din ang puwersa ng Alaska nang kinailangang dalhin sa ospital si Abel Galliguez, makaraang mabagok ang kanyang ulo sa lapag nang tangkain nitong sabayan ang lay-up ni Parks sa 9:47-marka ng final canto.
Matapos ang 51-51 tabla, inudyukan ni Pogoy ang 14-2 run ng TNT upang hindi na nila lingunin ang Alaska makaraang itakbo ang 65-53 abante.
“First half, we were struggling but we managed to tie the game. It was a tough game for us. We were able to pull it through,” wika ni TNT coach Bong Ravena.
Haharapin ng Tropang Giga sa susunod na round ang Phoenix Super LPG.
Narito ang mga iskor:
TNT 104 – Pogoy 34, Parks 20, Rosario 10, Erram 9, Castro 8, Enciso 6, Semerad 4, Washington 4, Alejandro 3, Carey 2, Reyes 2, Montalbo 2, Vosotros 0, Flores 0.
Alaska 83 – Teng 13, Ahanmisi 12, Manuel 12, Herndon 11, Brondial 9, Ayaay 8, Tratter 6, DiGregorio 4, Ebona 4, Marcelino 2, Casio 2, Galliguez 0, Publico 0, Andrada 0.
Quarters: 28-23; 51-51; 84-66; 104-83.