Target ng National Tobacco Administration na maabot ang 45.6 million kilo ng tobacco leaf na produksyon sa buong 2025.
Ito ay mas mataas ng ilang milyon kumpara sa production nitong 2023 na umaabot lamang sa 42.2 million kg habang 200,000 kg na mas mataas kumpara sa 45.4 million kg na naabot nitong 2024.
Ayon kay NTA Deputy Administrator for Operations Nestor Casela, lumawak pa ang tobacco farming sa bansa matapos madagdagan ng 4,000 ektarya ang tinatamnan ng tabako sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Ito ang dahilan aniya ng mas mataas na target production.
Ayon kay Casela, dahil sa mas limitadong lawak ng sakahan sa mga nakalipas na taon ay limitado rin ang produksiyon ng tabako sa Pilipinas kaya’t malaking tulong ang paglawak ng mga lupaing tinatamnan ng mga tabako upang madagdagan pa ang produksyon.
Sa kasalukuyan, mayroong kabuuang 22,707 magsasakang nagtatanim ng native tobacco sa bansa habang 14,390 ang nagtatanim ng Virginia variety at 6,001 farmers ang nagtatanim ng burley tobacco.
Iniulat naman ng NTA ang pagbaba ng bulto ng ine-export ng Pilipinas na tabako kung saan noong 2024 ay umabot lamang sa 17.8 million kg ng unmanufactured tobacco ang nadala patungong US.
Ang naturang bulto ay mas mababa kumpara sa 20.7 million kg na na-export ng Pilipinas noong 2023. Mula pa noong 2021, ilang milyong kilo ng tabako na ang ibinagsak ng tobacco export ng Pilipinas.
Pero batay sa datus ng pamahalaan, mas mataas ang bulto ng inaangkat na tobacco products kumpara sa bulto ng tabakong ibinebenta patungo sa ibang bansa tulad ng US.
Bagamat nagawa ng bansa na makapag-export ng 17.8 million kg ng tabako nitong nakalipas na taon, umangkat naman ang Pilipinas ng kabuuang 30.6 million kg ng mga tobacco products tulad ng sigarilyo, at iba pa.