Sasabak sa iba pang agri programs ang mga tobacco farmers matapos ilunsad ng National Tobacco Administration (NTA) ang “Gulayan at Manukan sa Barangay” (GMB) project.
Ang bagong programa ay pinondohan ng P16.6 million at inaasahang makakatulong sa kabuuang 2,224 tobacco farmers sa buong bansa.
Ayon kay NTA Administrator at CEO, Belinda Sanchez, makakatulong ang naturang programa para mapataas ang kita ng mga magtatabako at makatulong silang mapalakas ang food security sa bansa.
Ang pondo para rito ay hahatiin sa walong lugar sa bansa kung saan bawat lugar ay may 278 tobacco farmer na benepisyaryo.
Sa ilalim ng naturang proyekto, ang mga magsasakang nagtatanim ng tabako ay mabibigyan ng agricultural inputs tulad ng binhi at abono para sa pagtatanim ng mga high value crops o mga gulay.
Mabibigyan din sila ng mga broiler chicken para alagaan.
Sa ganitong paraan, umaasa ang NTA na makakapag-ambag din ang mga tobacco farmer ng karagdagang food supplies, mapataas ang agricultural productivity, at tuluyang makatulong para mapababa ang presyo ng pagkain sa bansa.