Ipinagtanggol ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang naging hakbang ng Senado na urong-sulong sa pinataas na tobacco excise tax.
Ayon kay Zubiri, ikinonsidera lamang ng mataas na kapulungan ng Kongreso ang saloobin ng mga nasa nasa sektor ng pagsasaka ng tabako at kanilang kabuhayan.
Magugunitang matapos ipasa sa ikatlo at huling pagbasa noong Lunes, muli itong ibinalik kahapon sa ikalawang pagbasa para sa pag-amyenda, saka muling itinuloy sa pinal na pagbasa.
Giit ni Zubiri, dumaan iyon sa tamang proseso at wala namang mambabatas na kumontra kaya ito naipasa.
Samantala sa lower House naman ay hindi na idinaan sa bicameral conference committee ang Sin Tax Bill na nailusot ng Senado.
Ito ay makaraang i-adopt ng Kamara ang bersyon ng upper House sa panukalang batas na naglalayong taasan ang buwis ng sigarilyo.
Kaya naman, agad na itong isusumite sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte makalipas na maratipikahan.
Sa ilalim ng Republic Act 7171, 90% ng 15% sa share ay napupunta sa mga bayan at munisipalidad, at 10% naman sa mga probinsya.
Pero sa napagkasunduang bersyon ng Kongreso, 70% mula sa 50% ng makokolektang buwis sa tobacco ang mapupunta sa mga bayan at lungsod kung saan nakatanim ang kinuhang mga tobacco produce, habang ang nalalabing 30% naman ay magiging kabahagi ng lalawigan.
Ang natitirang 50% naman ang siyang kukuhanan ng pondo sa Unversal Health Care.
Nakasaad sa ilalim ng Sin Tax Bill ang P45 na pagtaas ng buwis sa bawat pakete ng sigarilyo pagsapit ng Enero 1, 2020.
Tataasan pa ito ng P5 kada taon hanggang 2023 at simula 2024 ay itataas naman ito ng limang porsiyento kada taon.