Nananatiling hati ang pananaw ng iba’t-ibang grupo sa naging pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute na basehan ng International Criminal Court (ICC).
Lalong uminit ang isyu ngayong inaresto si dating pangulong Rodrigo Duterte at nakapiit ngayon sa ICC detention facilities para sa kasong crimes against humanity.
Para kay Duterte, hindi dapat makialam ang tribunal sa mga usapin sa loob ng Pilipinas dahil gumagana naman ang mga korte rito, lalo na sa panahong ipinatupad ang war on drugs.
Pero para kay dating Sen. Leila de Lima, ang kaniyang naging sitwasyon ang patunay na kailangan ang aksyon ng ICC.
Nakulong umano siya ng pitong taon dahil sa mga alegasyon ng dating pangulo at ng mga testigong kalaunan ay nagsipag-atras.
Noong Marso 17, 2019, opisyal na umatras ang Pilipinas mula sa ICC.
Ang desisyong ito ay nagmula matapos umpisahan ng ICC ang paunang pagsusuri sa anti drug war noong 2018.
Gayunpaman, kahit umatras na ang Pilipinas, para sa ibang eksperto sa batas, nanatili ang hurisdiksyon ng ICC.
Sinasaklaw pa rin ng ICC ang mga diumano’y krimen na nangyari habang miyembro pa ang bansa sa Rome Statute.
Ang pag-atras ng Pilipinas ay nananatiling paksa ng mga debate ng iba’t-ibang personalidad at grupo mula sa publiko at mga eksperto.
Ang ilan ay naniniwalang tama ang hakbang na ito upang mapanatili ang soberanya ng bansa.
Subalit, may iba naman na nangamba na maaaring mabawasan ang pananagutan ng mga nasa kapangyarihan.