Inabswelto ng Quezon city court ang Tokhang survivor sa kasong direct assault na sinasabing “nanlaban” sa pulisya.
Napatunayan ng Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 133 na walang ebidensiya na nagpaputok ng baril ang Tokhang survivor na si Efren Morillo sa police officers sa kasagsagan ng umano’y Oplan Tokhang operation sa Payatas, Quezon city noong Agosto ng aong 2016.
Kaugnay nito, pinawalang sala ni Judge Gloria Monica Lopez-Lao si Morillo matapos na mabigo ang prosekusyon na patunayang guilty ito.
Ayon sa korte, hindi nakita ng tatlong police officers na sangkot sa operasyon si Morillo na nagpaputok ng baril.
Sa halip, itinuro ng 2 policemen na sina Patrolman James Aggarao at PO1 Melchor Navisaga ang kanilang kasamahang pulis na si Police Staff Sergeant Allan Formilleza na siyang nagpaputok ng baril.
Napag-alaman din ng korte na inamin ng isang PO3 Formilleza sa open court na ang ika-apat na pulis na nabaril umano ni Morillo na si Police Captain Emil de los Santos o Emil Garcia ay wala sa lugar ng isagawa ang operasyon na taliwas sa alegasyon sa kaosng criminal laban sa kaniya.
Una rito, base sa claim ng Bagong Silangan Police na nagsagawa ng house-to-house visits noong August 21, 2016 sa Payatas nang umano’y makatanggap sila ng tip hinggil sa isang drug den kung saan nagkakanlong ang isang grupo ng kalalakihan na sangkot umano sa droga at robbery holdups.
Nagpaputok umano ng baril si Morillo at iba pang hindi tukoy na mga kasamahan nito sa mga police officer kung saan apat sa kasamahan ni Morillo ang napatay sa shootout.
Nagtamo din ng tama ng bala sa dibdib si Morillo na nagpanggap na patay at tumestigo na nagawa niyang makatakas at humingi ng tulong.