-- Advertisements --

Agaw pansin ngayon ang gobernador ng kabisera ng Japan na Tokyo matapos itong magsalita ng Tagalog upang paalalahanan ang mga Pilipinong residente sa siyudad tungkol sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa isang video na naka-post sa Youtube channel ng Tokyo Metropolitan Government, nagpaaalala si Tokyo Gov. Yuriko Koike sa mga Pilipino na mahigpit na tumalima sa ipinatutupad na health protocols, lalo pa’t malapit na ang holiday season.

“Kahit tayo’y nasa mga pagtitipon at pagdiriwang, lagi pa rin nating isagawa ang paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng mask, pagsunod sa social distancing, at pag-iwas sa 3 Cs (closed places, crowded spaces, and closed-contact settings),” saad ni Koike.

“Magtulungan po tayo na maprotektahan ang ating mga mahal sa buhay, ayon sa slogan na ‘iwasang mahawa at huwag manghawa,’” dagdag nito.

Humanga naman ang mga Pinoy sa gobernador sa pagsasalita nito ng Tagalog.

Sa ngayon, umabot na sa mahigit 21,000 ang views ng video mula nang i-post nito noong Nobyembre 13.