Iginiit ng mga organizers ng Tokyo Olympics na tuloy pa rin ang pagdaraos ng Summer Games kahit na isinailalim ang Japan sa state of emergency dahil sa pandemya.
Una rito, inanunsyo ni Japanese Prime Minister Yoshihide Suga na ilalagay sa state of emergency ang greater Tokyo area dahil pa rin sa pagtaas ng mga kaso ng coronavirus.
Ayon sa Tokyo 2020 organizers, hindi na raw dapat pang talakayin pa ang muling pagpapaliban ng prestihiyosong palaro, na nakatakda sa Hulyo 23.
Nanindigan din ang mga ito na hindi makakaapekto ang emergency sa mga nakalatag nang plano para sa Olympics.
“This declaration of emergency offers an opportunity to get the Covid-19 situation under control and for Tokyo 2020 to plan for a safe and secure Games this summer, and we will proceed with the necessary preparations accordingly,” saad ng mga organizers.
Bago ito, naniniwala si Suga na magbabago ang pananaw ng publiko sa oras na masimulan na ang pagbabakuna laban sa COVID-19, na naka-schedule sa susunod na buwan.