Pormal ng binuksan ang Tokyo Olympics matapos ang pagkakaantala nito ng isang taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Kahit na walang pinayagang audience na nanood dahil sa banta pa rin ng COVID-19 ay natuloy ang pagpaparada ng mga atleta mula sa iba’t-ibang bansa.
Ayon sa organizers ng Tokyo 2020 Olympics mayroong 950 katao ang dumalo sa opening ceremony sa venue na mayroong kapasidad ng 68,000.
Ilan sa mga matataas na opisyal na personal na dumalo ay sina French President Emmanuel Macron at US First Lady Jill Biden.
Sa mga delegasyon na pumarada ay agaw pansin si Tongan Pita Taufatofua na pumarada ng walang damit pantaas.
Una niya itong ginawa noong 2016 Rio Olympics na nakasuot ng tradisyonal na Tongan dress na pinahiran ng mga langis at inulit sa PyeongChang Winter Olympics matapos ang dalawang taon.
Pinasalamatan ni International Olympic Committee (IOC) President Thomas Bach ang mga atleta dahil sa napagtagumpayan nila ang pandemiya kaya sila nakadalo sa torneo.
Bilang hudyat ng pagsisimula ng laro ay sinindihan ni Japanese tennis star Naomi Osaka ang Cauldron.
Nagtapos ang opening ceremony sa pamamagitan ng fireworks display at ang drone show na nagbigay liwanag sa kalangitan ng Tokyo.