-- Advertisements --
olympics torch relay

Eksaktong isang buwan bago ang Tokyo Olympics, inanunsiyo ngayon ng mga organizers ang ilang mas mahigpit na mga patakaran para sa mga atleta at mga fans upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon sa mga organizers kabilang sa mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom ng nakakalasing na inumin tulad ng alcohol, bawal din ang pagyakap, walang cheering squad o sigawan at maging ang pagpapapirma ng autographs.

Aminado si Tokyo 2020 president Seiko Hashimoto, kailangan na lamang maging creative ng mga fans at mga atleta upang maisagawa pa rin ang selebrasyon na makakaiwas sa pagkalat ng virus.

Ngayon pa lamang nag-abiso na ang mga organizers na ‘wag nang asahan na magkakaroon ng tila piyesta tulad ng ginagawa ng mga football fans sa Europa o Euro 2020.

Pagkatapos umanong manood ng mga fans ng Olympics, diretso na rin ang uwi at bawal ang contact sa iba pang mga crowd.

Tokyo olympics oval

Bawal din daw ang pagkaway lalo na at gamit ang tuwalya bilang pagpapaabot ng suporta sa mga athletes.

Una nang lumabas sa survey na kalahati raw ng mga residente sa Japan ang hindi sumasang-ayon na ituloy ang pinakamalaking sporting event sa mundo.

Pinayagan din ang 10,000 na mga Japanese fans na makapanood pero bawal ang mga dayuhan na magbiyahe.

Gayunman ang spectator limit ay itinakda lamang sa 50% ang venue capacity.